Wednesday, June 26, 2013

mula sa simula

hindi ko na nabilang kung iilan na ang mga lalaking dumaan sa buhay ko bago ko nakilala si phat kid. aaminin kong madami sila.

salamat sa friendster, mirc, mychat, downelink, guys4men na naging planetromeo at mga nagsulputang clan, napakadami kong nakilala. mula sa balikat ko lang ang height hanggang sa 6-footer; patpatin, may konting laman, may six packs na gym fit, at chubby; maputing natural at salamat sa gluta, kayumanggi at negrito; small, average, at large. pisikal pa lang yan.

nakipagkilala ako. nakipageyeball. breakfast, lunch, dinner at coffee date. nakipagSEB. nakapunta na rin ako ng GEB.

hindi ko na nabilang kung ilang beses akong umasa at nagpaasa; bumitaw at binitawan; nang-iwan at iniwan; nanakit at nasaktan. may mga pagkakataong sinabi ko na ayaw ko na. single na ako for life. magmomongha na lang ako. pero makalipas ang ilang araw o lingo o buwan, mag-uupdate lang ako ng profile at sige na naman.

online ako noon sa planetromeo, nagtitingin ng mga mukha, chest, abs, puwet at bukol sa underwear nang makita ko ang profile ni phat kid. mukhang masayahing tao na hindi ako mabobore na may sense kausap. sige subukan natin. ang sabi ko sa sarili ko. *message sent

matagal din bago namin nagawang magkita mula nang ipadala ko ang unang message ko sa kanya pero ayos lang. hindi ko na nga maalala kung ano ang naisulat ko dun sa message na yun pero buti na lang at napansin niya ako.

posted from Bloggeroid

Wednesday, June 19, 2013

waiting shed

sa mahigit na dalawang buwan na pagsasama namin ni phat kid, ngayon na lang kami ulit nagkahiwalay.

at ganito pala ang pakiramdam.

tatlong linggo lang naman pero bakit parang ang tagal. yung kailangan ko pang lagyan ng ekis yung kalendaryo. yung pakiramdam na dumodoble ang mga oras ng paghihintay. yung humahanap ako ng mga puwedeng gawin para hindi ako mainip.

nasanay na talaga ko.

pero sabi nga niya, sandali lang yan. minsan lang naman umuwi pamilya niya kaya alam kong sinusulit nila ang tatlong linggo.

at naisip ko rin. siguro hindi pa rin ako handang makilala ang mga magulang ni phat kid. nakilala ko na ang kapatid niyang babae at napakabait niya. alam kong ganun din ang kanyang mga magulang. kailangan lang maghintay ng tamang panahon.

sandali lang yan.

posted from Bloggeroid

Tuesday, June 4, 2013

Tik tok

8:59 na. log in na naman at mag-uumpisa na naman ang isang araw ng pagsagot ng mga tawag mula sa kabilang bahagi ng mundo. kakapindot pa lang ng auto in ay titingnan na kaagad ang oras ng unang break. pag bibo ang mga amerikano, lunok-laway lang ang pahinga. pag walang sale o busy sila sa mga buhay nila, mababagot ka naman sa paghihintay. kung puwede lang hilahin ang oras para logout na at makauwi.

akalain mo june na nga at mangangalahati na ang taon. parang kahapon lang tumalon-talon tayo nang salubungin natin ang 2013. parang nung isang araw lang naging tayo. parang nung isang linggo lang nung lumipat ako sa bahay mo at nagsama tayo. kung puwede lang pahabain ang oras sa mga panahong magkasama tayo.

siguro ako lang ang nalulungkot na magkakahiwalay tayo ng tatlong linggo. siyempre makakasama mo ang pamilya mo pagkatapos ng ilang buwan. madami kayong nakaplanong puntahan na hindi mo na alam kung paano didiskartehan ang schedule mo. magiging busy ka sa panahon na yun.

masaya ako para sa iyo. alam ko kung gaano mo namimiss ang pamilya mo. alam ko kung gaano mo sila kamahal. katulad din ng pagmamahal ko sa pamilya ko.

noon nga laging gusto kong umuwi ng probinsya. kung puwede lang kumpleto lagi ang pamilya - kumakain, nagkukuwentuhan at nagtatawanan. kung puwede lang tatlong araw ang weekend o mas mahaba ang christmas break o holy week para mas matagal ko silang makasama.

sa pagkakahiwalay natin ngayong buwan na ito, wala pa akong naiisip gawin sa mga oras na sana magkasama tayo. may mapplano naman siguro ako pero sa ngayon wala pa talaga. napakatagal ng tatlong linggo at kung puwede lang pabilisin ang orasan o ang pag-ikot ng mundo sa kanyang axis para makasama na kita ulit.

pero marunong din akong maghintay. at yun ang gagawin ko.

posted from Bloggeroid