Tuesday, June 4, 2013

Tik tok

8:59 na. log in na naman at mag-uumpisa na naman ang isang araw ng pagsagot ng mga tawag mula sa kabilang bahagi ng mundo. kakapindot pa lang ng auto in ay titingnan na kaagad ang oras ng unang break. pag bibo ang mga amerikano, lunok-laway lang ang pahinga. pag walang sale o busy sila sa mga buhay nila, mababagot ka naman sa paghihintay. kung puwede lang hilahin ang oras para logout na at makauwi.

akalain mo june na nga at mangangalahati na ang taon. parang kahapon lang tumalon-talon tayo nang salubungin natin ang 2013. parang nung isang araw lang naging tayo. parang nung isang linggo lang nung lumipat ako sa bahay mo at nagsama tayo. kung puwede lang pahabain ang oras sa mga panahong magkasama tayo.

siguro ako lang ang nalulungkot na magkakahiwalay tayo ng tatlong linggo. siyempre makakasama mo ang pamilya mo pagkatapos ng ilang buwan. madami kayong nakaplanong puntahan na hindi mo na alam kung paano didiskartehan ang schedule mo. magiging busy ka sa panahon na yun.

masaya ako para sa iyo. alam ko kung gaano mo namimiss ang pamilya mo. alam ko kung gaano mo sila kamahal. katulad din ng pagmamahal ko sa pamilya ko.

noon nga laging gusto kong umuwi ng probinsya. kung puwede lang kumpleto lagi ang pamilya - kumakain, nagkukuwentuhan at nagtatawanan. kung puwede lang tatlong araw ang weekend o mas mahaba ang christmas break o holy week para mas matagal ko silang makasama.

sa pagkakahiwalay natin ngayong buwan na ito, wala pa akong naiisip gawin sa mga oras na sana magkasama tayo. may mapplano naman siguro ako pero sa ngayon wala pa talaga. napakatagal ng tatlong linggo at kung puwede lang pabilisin ang orasan o ang pag-ikot ng mundo sa kanyang axis para makasama na kita ulit.

pero marunong din akong maghintay. at yun ang gagawin ko.

posted from Bloggeroid

1 comment:

  1. I'm sure phat kid appreciates your patience. Thank you for patiently waiting. lolz

    ReplyDelete