Tuesday, May 14, 2013

Kape

habang naghihintay sa aking kapatid na nanonood ng concert naisipan kong uminom ng kape. napagod na rin kasi ako sa kakalakad sa loob ng mall.

halos puno ang dating tambayan ng aking mga kaibigan. masuwerte akong nakatiyempo ng bakanteng mesa sa kabila ng dami ng mga taong gumagamit ng laptop at tablet. nakakapansin lang na kung sino pa ang mga nakikigamit ng kuryente at wi-fi ay sila pa ang walang iniinom o kinakain. mga tao nga naman.

sa labas kung saan nakatambay ang mga nagyoyosi napansin ko ang isang grupo ng mga berdugo (berde ang dugo). sa dami nila ay pinagdikit na lang nila ang dalawang mesa bago nagsiupo. sa pagitan ng kuwentuhan at tawanan may dumating pa silang kasama na nakipagbeso-beso sa kanilang lahat. maya-maya class picture naman.

ganito rin kami ng aking mga becky friends sa tuwing nagkikita-kita. noong umpisa halos linggo-linggo kaming kumakain sa labas na nauuwi sa pagtambay at pag-inom ng kape. hindi nauubusan ng kuwento at may mga gabing kami na ang nagsasara ng coffee shop. birthday, monthsary, bagong relasyon, bagong break-up o kung ano man, kain at kape ang katapat.

sa paglipas ng mga taon, mahigit pitong taon, nagkikita-kita pa rin kami. minsan planado pero madalas pag tinotopak lang o kaya pag umuuwi yung isang nakabase na sa ibang bansa.

kasi madalas hindi nagpaparamdam dahil busy sa isa o dalawang bagay - trabaho o/at jowa.

na naiintindihan naming lahat kahit minsan hindi maiiwasang magtampo o malungkot.

ang dating masayang anim (o higit pa kung kasama ang mga jowa) na regular na laman ng coffee shop ay bumaba na lang sa dalawa. minsan solo flight ka pa.

ngayong may phat kid na ako, alam kong madalas solo flight ang isa kong kaibigan. busy man siya lagi sa trabaho, siguro minsan nagkakape pa rin siya dito. at tulad ko, pinanonood din niya ang ibang nakatambay, nakikigamit ng kuryente at wi-fi, mga becky na may clan meeting, at eyeball.

pero alam kong mas magaling siyang gumawa ng kuwento sa akin.

posted from Bloggeroid

2 comments:

  1. Kung concert at kape, sa CBTL gateway ba 'to? Tambayan din namin yan dati ng friends ko!

    ReplyDelete