Monday, May 6, 2013

kolboy

sabi nga nila, tatagal ka sa iyong trabaho dahil sa mga kasama mo.

mahigit isang taon na nung sinubukan kong pasukin ang pagiging kolboy. nung umpisa, wala lang, gusto ko lang masubukan.

pero naisip ko na kaya ko sinubukan dahil gusto kong mabago ang mundong ginagalawan ko at makaalis sa di magandang kapaligiran ng aking trabaho. siguro napuno na ako sa mga mapanghusgang mata at makakating dila sa paligid ko. napagod na rin ako na patunayan lagi sa lahat na magaling ako kahit alam kong may masasabi pa rin sila sa bandang huli.

naisip kong hindi na ako nagiging masaya kaya ko naisipang maghanap ng malilipatan.

natuwa naman ako dahil hindi ako masyadong nahirapan na matanggap. salamat sa naginterbyu sa akin na matabang babae. siguro nakuha namin ang kiliti ng bawat isa kaya parang nagkuwentuhan lang kami. handa naman ako sa mga pangmiss universe na mga tanong kaya hindi na niya pinatagal ang interbyu. alam mo namang matatanggap ka kung sa bawat sagot mo ay nakangiti at puro tango ang nagiinterbyu sa iyo.

mapalad akong napunta sa isang madaling account. madaming tawag kaya mauubos laway mo pero pag nakasanayan ay kaya mong makipagusap at magawa ng tama kahit halos tulog ka na. madaming natatanggal o nalilipat pero masuwerte naman akong nakatagal hanggang maregular.

malaki ang naging papel ng aking mga naging kaibigan kaya ako tumagal at nananatili sa account namin. magagaling ang nagturo sa akin at talagang tinutukan nila ako hanggang sa masanay ako. mahirap maging call center virgin. buti na lang at hindi sila madamot na ituro ang alam nila.

may mga naging kaibigan din ako sa ibang team. mga naging katabi ng station o nakasabay sa break o nakakuwentuhan lang. mga kuwento habang walang tawag. mga kuwento kahit umaapaw sa tawag. mga tawanan na naitatago salamat sa mute button. napakabilis minsan ng oras at may mga oras namang parang buong araw sa haba.

sa paglipas ng mga araw at buwan, hindi ko namalayang madami na pala kaming napagsamahan. napakasayang isipin na sa loob ng isang taon ay may magyayaya sa iyo na maging ninong ng anak nila o kaya ay pumunta sa kasal o birthday o outing. mga kwentuhan na hindi natatapos sa office kundi natutuloy sa text o fb.

sa totoo lang, hindi ko inasahan na mageenjoy ako sa pagiging kolboy. hindi ko pa alam kung hanggang kailan ako sa ganitong trabaho pero lagi akong nagpapasalamat na may nakilala akong mga bagong "friend", "mars", "gaga" at "bakla" na kahit kembot nang kembot ay hindi pa rin nakakalimutang chumorva chorva.

posted from Bloggeroid

4 comments:

  1. Dati ganito ang mundo ko. And anytime soon, baka ito ulet ang galawan ko. Good thing, nageenjoy ka. Basta focus lang sa kikitain, magandang motivation un. Also, do good in your calls

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat sa pagbisita. Buti na nga lang at nageenjoy ako. Hehe.
      Focused naman ako pag may calls at pag may chikahan.

      Delete
  2. yeah, after everything, its the people - the environment - that's makes you want to linger in a job more than actually liking what you're doing... :0

    ReplyDelete
    Replies
    1. This is so true. There are lazy days and tough times but we motivate each other and so at the end of the day we survive.

      Delete